Nagbigay ng pahayag si Direk Brillante Mendoza tungkol sa paggawa ng isang pelikulang pambata dahil ito ay bago sa kanyang mga naunang nagawang pelikula.
Kilala si Brillante sa kanyang mga proyekto na hindi angkop para sa mga batang manonood. Bagamat mayroon siyang mga tema para sa mga may gulang, nakatanggap ng parangal ang kanyang mga pelikula sa mga internasyonal na festival.
Ang kanyang pinakabagong proyekto na “Apag” ay pinondohan ng Hong Kong Film Festival. Sa isang kamakailang panayam, binahagi ni Direk Brillante na siya ay hiningan ng direktiba na gumawa ng isang pelikula na walang sekswalidad, karahasan, at pulitika.
“Di ba, napaka-challenging para sa akin nun? Considering na puro ganyan ang mga pelikula ko, di ba?” sabi ni Brillante Mendoza. Idinagdag pa ng direktor na ito ang pinakamalaking hamon sa kanya.
Ang pelikula ay tungkol sa isang pamilyang Kapampangan kung kaya’t ang pagkain at relihiyon ay bahagi ng kwento. Ayon sa direktor, kilala ang mga Kapampangan sa pagiging relihiyoso at mahilig sa pagkain.
Sinabi ni Direk Brillante na ang bersyon na ipinakita niya sa Hong Kong Film Fest at iba pang mga festival ay ang “wholesome version.” “Meron akong version na para sa Metro Manila Film Festival. Director’s Cut ito na hindi ito ang ipinalabas sa festival sa Hong Kong at sa ibang film festivals,” dagdag pa niya.
Binanggit niya rin na ito ay isang natatanging proyekto dahil ito ay hindi katulad ng ibang mga pelikula. Iginiit ng direktor na ang ipapakita sa MMFF ay ang Director’s Cut.
Binanggit din ni Direk Brillante Mendoza na ginawa niya ang pelikula bilang pagpupugay sa kanyang mga kapwa Kapampangan. Ito ang dahilan kung bakit ang mga miyembro ng cast ay mula sa Pampanga at ginamit nila ang wika ng Kapampangan sa kanilang mga dialogo.