Humihiling ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa International Criminal Police Organization (INTERPOL) na maglabas ng Blue Notice laban sa mga suspek sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Ayon kay Mico Clavano, tagapagsalita ng DOJ, kasama pa rin si Negros Oriental Rep. Arnie Teves Jr. sa mga taong pinaghihinalaang sangkot sa pagpatay sa lokal na opisyal.
Ang plano ay ilagay ang mga suspek sa lookout bulletin sa susunod na linggo.
“Sa ngayon, ginagawa namin ang lahat upang maprotektahan ang aming mga kaso. Dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso natin, kailangan nating mag-ingat. Kaya lahat ng may kinalaman sa pagpatay kay Degamo, gagawin namin ang mga hakbang upang maglabas ng international lookout bulletin, at pag-usapan ang paglalagay ng mga tao sa blue list ng Interpol,” pahayag ni Clavano sa media briefing sa Quezon City.
Ayon sa kaniya, ang blue notice ay magbibigay-daan sa gobyerno upang subaybayan ang mga galaw ng mga respondent.
“Nais naming gawin ito sa susunod na linggo upang masiguro na alam natin ang lahat ng kilos ng ating mga respondent na maaaring sangkot sa pagpatay kay Degamo at mahalagang impormasyon sa aming imbestigasyon,” sabi pa ng DOJ official.
“Dahil ilalagay na natin sila sa international lookout bulletin, magkakaroon tayo ng records kung saan sila pumunta at kung kailan sila umalis. Ito ang mga mahahalagang datos na makukuha natin dahil sa paglalagay sa lookout bulletin,” dagdag pa ni Clavano.