Noong nakaraang araw, kumakalat sa social media ang fake news tungkol sa pagkamatay ng beteranong TV host at komedyante na si Vic Sotto. Sa isang Facebook page, ginamit pa ang pangalan ng flagship news program ng TV5 na “Frontline Pilipinas” upang palabasin na totoo ang balita. Ito ay nagdulot ng pagkagulat at pagdadalamhati ng ilang netizens na nagbigay ng kanilang mga mensahe ng pakikiramay sa pamilya ng host ng “Eat Bulaga”.
Gayunman, marami ang nagpahayag na fake news lamang ito at kinondena ang ginawang pagpapakalat ng maling impormasyon. Mayroon pa nga na nagsabi na ire-report nila ang nasabing Facebook account dahil sa kanilang ginagawang pagkakalat ng pekeng balita.
Nakakalungkot lang na hindi ito ang unang beses na nabiktima ng ganitong uri ng hoax ang TV host at komedyante. Noong 2014, 2019(Verafiles) at noong November 21, 2021, ay nagkalat din ang mga pekeng balita tungkol sa kanyang pagkamatay at ng kanyang asawa na si Pauleen Luna-Sotto.
Bagaman hindi pa nagbigay ng reaksyon si Bossing sa kanyang nangyaring “pagpatay” sa kanya sa social media, makikita sa mga litrato at Instagram stories ng kanyang asawa na buhay pa rin siya at kasama pa rin ang kanilang pamilya. Sana naman ay maging mapanuri at maging responsableng mamamayan tayo sa pagpapakalat ng anumang impormasyon upang hindi na magdulot pa ng pangamba at kalituhan sa ating kapwa.